Di Ko Inakala

Noong nakaraan, ikinuwento ko ang pagigiging matatakutin ni Daryl. Pero ngayon, ang katapangan naman niya ang ikukwento ko na di ko inakala.Noong nakaraang linggo ay nabuo na sa isip ko na ipaalala kay Papsie ang tungkol sa pagpapatuli ni Daryl. Binanggit ko ito nang matatapos na ang linggo. Sabi ni Papsie, malamang daw na sa Martes ng susunod na linggo dahil coding ang sasakyan. Hindi rin pala pwede dahil pupunta si Daryl Jules sa iskul.

Noong Miyerkules ay natuloy ang pagpapatuli ni Daryl. Sa totoo lang, e hindi ako mapakali sa trabaho ko nang araw na iyon dahil sa naiisip ko na matatakutin si Daryl at baka hindi matuloy ang pagtuli. Napipiktyur ko kasi na biglang mag-ba-back-out ang aking bunso at sabihin kay Papsie na umuwi na sila. Natatakot din ako sa posibilidad na dahil sa sobrang takot e hindi umipekto ang anaesthesia.

Umalis sila nang maaga noon. Tumawag ako sa bahay ng mga alas 11 na ng tanghali. Si Daryl ang sumagot, walang bahid ng takot, sakit o pag-aalala sa boses. Sabi ko, “O, anak, kumusta na?” “Mabuti naman, Ma,” sagot ni Daryl. “Natapos na ba?” tanong ko. “Opo,” muli niyang sagot. Sabi ko sa wikang Ingles, “So, how was it?” “Okay lang,” wika niya. “Me pain ba during the operation?” pag-aalala ko. “Konti,” ang kaswal na sagot. “Congratulations, ha!” Tumawa si Daryl.

Nang umuwi ako, ikinuwento ng buo ni Papsie na humanga siya sa anak niya. Sampu raw kasi ang naka-schedule na tutuliin ng araw na iyon. Apat lang silang natira. Galit na galit daw ang isang tatay doon sa apat na batang kasama niya dahil wala ni isa ang gusto nang magpatuli. Iyon namang isang nanay e di kinayang kumbinsihin ang anak na magpatuli. Nagtulung-tulong na raw sila sa pang-uuto, wala pa ring nangyari. Nang matapos si Daryl na tuliin (at wala siyang kasama sa operating room) balewalang naglakad palabas at para daw hindi tinuli. Karaniwan kasi, makikitang iika-ika ang mga nagpatuli. Sabi ng doktora, “Hanga ako diyan sa anak niyo, dinaan lang ako sa kuwento!” Sabi naman ni Daryl, “Kelangan ko rin kasing libangin ang sarili ko, Pa, he he”

Bago pa man mangyari ang operasyon eto ang sabi ni Daryl sa wikang Ingles, “Eventually I will be circumcised and i have to face it.” Naihanda na rin pala niya ang sarili niya. Naisip ko, responsableng indibidwal pala ang anak ko. Sabagay, may mga desisyong kagulat-gulat si Daryl, mga pahayag na hindi mo aakalaing manggagaling sa isang 12 taong gulang na bata.

Di ko talaga inakala na matapang din pala siya. Kung gaano niya hinarap ang pag-aalala niya sa paliligo sa dagat, ganun din ang ginawa niya sa araw ng pagpapatuli.

Leave a comment